Friday, May 7, 2010

Paglalahad

Kakagraduate lang ng anak mo sa kolehiyo.

Bilang magulang umaasa ka na maghahanap agad ito ng trabaho para matulungan kayo sa araw araw na gastusin o sa pagpapa-aral kay bunso o sa iba pang mga kapatid. Bilang magulang, na ilang taong din na nagtiis para lamang mapagtapos ang panganay mo, ay umaasa ka na pagkatapos ng seremonyang ito ay makukuha mo na ang return of investment mo. Ang sukli sa araw araw na pagluto ng pagkain at pagbalot ng kanin at ulam ng mga anak mong papasok sa paaralan. Ang kabayaran sa araw araw na pagsakit ng ulo mo dahil di mo mawari kung paano mo mabubudget ang kakarampot na kinikita ng mister mo. Ito na yun! Malapit na ang araw na magpapahinga ka na lang bilang magulang at maghihintay ng sahod na buong buo na iaabot ng anak mo kada 15 at 30 ng buwan.

Sa araw ng kanyang pag-akyat sa stage upang kunin ang kanyang diploma ay nangutang ka pa ng panghanda. Merong spaghetti na kung dati ang sauce ay catsup ngayon ay ginawa mong tomato sauce dahil subrang espesyal ang araw na ito. Meron ding lechon manok na inutang mo pa sa kumare mo sa palengke. At kahit walang wala ay nagawan mo ng paraan na magkaroon ng lechon na baboy... ulo nga lang ng baboy ito pero lechon pa din. Bongga ang handa! Party na kung party! Wala kang paki-alam sa gastos dahil iniisip mo na magkakatrabaho ang anak mo at mababayaran lahat ng inutang mo.

Hindi pa nga nakakapag-apply ang pubre mong anak ay binibilang mo na ang magiging sahod nito. Pinipilit mo pa na kahit siya ay graduate ng Engineering sa isang kilalang paaralan at malaki ang chance na makapasa sa exam at maging certified engineer ay gusto mong magtrabaho ito sa Accenture, Convergys, Teletech, IBM, o kahit na sa maliit na BPOs. Sayang din naman ang 30,000 o mahigit na pwede nitong kitain dun. Isa o dalawang buwan lang ay paniguradong wala na kayong utang.

Kaen lang ng kaen ang anak mo kasabay ang pakikipagtawanan sa mga barkada nito at kapitbahay. Lingid sa alam nito na pinagpaplanuhan mo na ang kanyang maagang kamatayan.

Isang linggo matapos ang graduation ay parang hindi pa din pumupunta ang anak mo sa mga job interviews ng naglalakihang callcenters sa ortigas at makati. Hindi ka na makapaghintay dahil na din siguro sa panay na paniningil ng inutangan mo ng ulo ng baboy at lechon manok. Tinanong mo ang anak mo... "Anak, kamusta na yung offer ng Convergys sayo?"

tumahimik...

10 segundong katahimikan....

15 segundong katahimikan....

20 segundong katahimikan....

"anak?" tanong mo ulit.

katahimikan....

10 segundong nanahimik ulit...

"Nay, ayokong maging callboy. Ayoko sa callcenter." ang naging tugon ng anak mo sa mata mong nakakatitig dito na parang nang-uusig.

"Bakit anak? Malaki kita dun! Mabilis tayong makakabili ng bahay at lupa. Mabilis tayong aahon sa hirap," ang pagpapalinaw na may halong pagmamakaawa mo sa iyong anak.

"Nay, gusto ko munang magvolunteer sa org ko. Gusto kong magfulltime," ang maikling naging tugon ng anak mo.

katahimikan ulit...

10 segundong katahimikan....

30 segundong katahimikan...

"Anak bakit?" Tanong mo sa anak mong tingin mo ay nasisiraan na ng bait.

"Nabrainwash ka na talaga ng org mo na yan!" Mahinang naging dugtong mo.

Nagulat ka na lang sa mga sumunod mong nasabi.

"Letche! Sana dati pa hindi na talaga kita pinayagan sa org na yan! Walang may naidulot na maganda sa atin yan! Ano ba ang nakukuha mo sa pagsama sa mga rally at pagsigaw sa daan na yan? Napapakaen ba tayo ng mga plakards na bitbit mo?" Sunod sunod na sigaw mo sa anak mo na ang ginawa lamang ay tingnan ka.

"Sana di na kita pinag-aral. Putang Ina mo! Nagkandahirap hirap ako para pag-aralin ka tapos ngayon ito igaganti mo! Putang ina! Anak ng tinapa talaga oh! Sana sinabi mo dati pa na gusto mo pa lang na sa kalye ka lagi! Sana di na kita pinag-aral!" Sigaw at sumbat mo sa iyong panganay.

Nagagalit ka kasi hindi pa din ito sumasagot. Nananahimik lamang na parang walang may naririnig. Nagagalit ka kasi parang di nya maintindihan na sinisingil ka na ng mga inutangan mo nung hinanda mo. Na hindi ka na makapamalengke kasi andun yung tindero ng baboy na hanggang ngayon ay iniiwasan mo kasi wala ka pang pambayad. Nagagalit ka kasi hindi sumang-ayon sa plano mo ang nangyayari ngayon.

Nagagalit ka kasi pinag-aral mo ang anak mo para pagkatapos nya ay magdala ng pera sa pamilya ngunit sa huli pala ito ay magsisilbi sa bayan at sa masa.

Pakialam mo ba naman sa bayan. Pakialam mo ba naman sa masa. Pakialam mo ba naman kung nagtataasan ang VAT. PAkialam mo ba naman sa hinaing ng mga tsuper na ibaba ang presyo ng gas, hindi ka naman driver at higit sa lahat wala kang kotse. Pakialam mo ba naman kung may nirape ang kanong militar nung nasa Subic ito? Hindi naman ikaw si Nicole, hindi mo din naman sya anak. Pakialam mo ba naman kung may shortage sa bigas o kung subrang mahal na ito at wala ka nang may isasaing... PAKIALAM MO BA NAMAN KUNG PINAGLALABAN NG ANAK MO NA MAGING PANTAY PANTAY ANG MGA TAO SA PILIPINAS! Ang sayo lang ay ang maisauli ang ginastos mo sa pagpapaaral sa kanya kasama na ang interest. Hindi na ina ang turing mo sa sarili mo... kung di isang negosyanteng ngayon ay naniningil ng pautang at tobo...

---ipagpapatuloy---

4 comments:

  1. ano bang magandang topic para sa paglalahad?

    ReplyDelete
  2. Pangalan po ng writer?

    ReplyDelete
  3. Ito ay isang pangkalahatang pahayag sa publiko mula sa Mayo Clinic at interesado kaming bumili ng mga bato, kung interesado kang magbenta ng isang bato, mabait makipag-ugnay sa amin nang direkta sa aming email sa ibaba sa
    mayocareclinic@gmail.com
    Tandaan: Ito ay isang ligtas na transaksyon at garantisado ang iyong kaligtasan.
    Mabait na magpadala sa amin ng isang email message para sa karagdagang impormasyon.

    ReplyDelete